//
archives

Archive for

Ang Pagtulang Bagay: Paghulagpos sa “Luma,” Pagtakas sa “Bago”

ni Bienvenido Lumbera

Ang pagtulang Bagay ay nagbukas ng daan upang makalaya ang makatang gumagamit ng wikang Tagalog sa hulma at hilig ng tradisyonal na tula (”luma”) at sa mga teknik at preokupasyon ng modernistang tula ng mga makatang aral sa pagtula sa wikang Ingles (”bago”).

Sa isyu ng Heights noong Oktubre 1965 may ispesyal na seksiyong iniukol sa 15 tulang nakasulat sa wikang noo’y banyaga pa sa magasing Heights at sa mga mambabasang Atenista. Nakaipit sa newsprint na kulay khaki ang mga tulang isinulat sa wikang Tagalog, at nakatampok ang mga ito bilang panggitnang pahina ng magasin. Sa pabalat ng ispesyal na seksiyon, nakalimbag na palagbag sa gawing kanan ang salitang naka-allcaps: BAGAY. Pagbuklat sa pabalat, may dalawang talatang introduksiyon na nakasulat sa wikang Ingles.
The following poems are written by a group of Ateneo students and faculty members. What may generally characterize their poetry is the use of concrete images and of conversational language. The subject matter ranges fro the banality of a school cafeteria or traffic to the sentimentality of a homecoming, poverty, etc. In all these, they avoid the platitudinous and emotional tendencies of much Pilipino poetry.
In a time when the country faces extreme nationalism and a search for national identity, the poets’ approach to language appears to be a compromise, but it is more than this. They do not reject the foreign element which has permeated the native culture, but rather in accepting it, explicitate a contemporary picture. These poets may serve to affirm the solidity which the cultural merging of the alien and the native has achieved.
Ang anim na makatang kabilang sa manipis na antolohiya ay sina Edgar G. Alegre, estudyante, na noo’y may-ari ng isang tailoring shop sa makatawid ng Gate 3 at wala pang balak na maging hinahangaang pintor; Jose F. Lacaba, estudyante, taga-Pateros na wala pang balak maging kilalang peryodista at aktibista na titingalaing iskriprayter ng mga pelikulang makakarating sa Cannes Film Festival; Bienvenido Lumbera, gurong noo’y nagkukumahog para maisulat ang kanyang doctoral dissertation upang hindi mawalang-bisa ang kanyang apat na taong paglagi sa Indiana University; Edmundo Martinez, S.J., scholastic na nagtuturo at wala pang malay na magiging presidente ng Ateneo de Davao University; Antonio R. Samson, estudyante, na hindi pa napapangarap na maging isang bise-presidente ng PLDT; at Rolando S. Tinio, guro at director ng Ateneo Experimental Theater, na kagilagilalas na noon pa man ang reputasyon bilang mataray na propesor, makata at director na namumukadkad na tungo sa pagiging National Artist.
Dahil sina Tinio at Lacaba, sa dekada 70, ay tinanghal na mga makatang nakabungad na sa pagiging “major,” kasama nilang napatala sa kasaysayan ng panitikan ang pagtulang tinatakang “Bagay.”
Ano nga ba itong pagtulang tinawag na Bagay?
Sa simula pa lamang, kailangang linawin na hindi ito sistema sa pagtula. Hindi ito binalangkas upang makapaglatag ng mga batas na magbubunga ng epektibong tula. Hindi ito pormula na may tinutungong tiyak na kasagutan sa mga problemang teknikal o tematiko ng makata. Hindi rin ito kilusan, na siyang madalas hakain ng mga graduate students na nagbabalak ng term paper. Ang anim na makatang ipinakilala sa antolohiya ng Heights ay hindi barkada na nagkaisang magpapalaganap ng isang panuntunan sa pagtula. Nagkataon lamang na sa Ateneo, na pinatibay na moog ng Amerikanisadong edukasyon para sa nakaririwasang kabataang Filipino, ay sama-sama silang sumalungat sa kalakarang Ingles ang wikang pampanitikan ng mga estudyanteng manunulat at sumubok gamitin sa paglikha ng tula ang wikang kanilang kinagisnan.
Taong 1965 noon na ayon sa introduksiyon ay “time when the country faces extreme nationalism and a search for national identity.” Hindi pa noon nakakasalingit sa kampus ang ideolohiyang “national democracy” na dala ng Kabataang Makabayan, at kaming nasa hanay ng faculty ay umaasang ang Catholic education ng mga Atenista ay sasapat na depensa sa pananalakay at pambubulabog ng foreign ideology.
Taong 1964 sinulatan ako ng Indiana University na ang pitong taong palugit sa mga nagdudoktoradong nasa labas na ng unibersidad ay matatapos na pagsapit ng 1967. Taong 1960 nang bumalik ako sa Filipinas para mag-research para sa aking disertasyon, kaya’t ang sulat ng Indiana University ay isa ring babala na malapit nang mawalang-saysay ang mga kursong kinuha ko para magkamit ng titulong Ph.D.
Ora de peligro na para sa aking pananaliksik sa kasaysayan ng panulaang Tagalog. Kasaysayan ng modernong tulang Tagalog ang gusto kong sulatin, at noong 1965 ay nakalubog pa ako sa pagkalkal sa mga datos ng lumang panulaan na kailangan ko upang lubusang maunawaan ang naging anyo at tunguhin ng makabagong pagtula ng mga Tagalog.
Bilang paghahanda at pagsasanay na rin sa pagsasalaysay ng kasaysayan, madalas kong idako ang usapan namin ni Rolando habang kami’y nananghalian sa kapiterya sa mga datos at haka-hakang kaugnay ng aking research. Kapwa kami faculty ng Department of English, kaya’t ang karaniwang paksain naming ay ang mga tula at kuwentong itinuturo naming sa mga kursong hawak naming. Kilala na si Tinio bilang makata sa wikang Ingles at may nasulat siyang artikulo sa Philippine Studies na naglayong patunayan sa pamamagitan ng mga halimbawang tula na isinalin niya mula sa Ingles, na hindi kaya ng wikang Tagalog na tapatan ng salin ang orihinal na Ingles.
Isa kong obserbasyon na sinang-ayunan ni Rolando ang naging binhi ng pagtulang Bagay: na kahit na sa mga tulang itinuturing na “moderno” (nakapaloob sa ikalawang hati ng Siglo 20), kapansin-pansin ang bisa ng tradisyonal na paggamit sa “matulaing” mga salita at sa tonong patalumpati. Nagkaisa kami na makabuluhang pag-eksperimentuhan ang tono at pananalitang kombersasyonal sa pagtula sa wikang Pilipino. Panahon iyon na kami ni Rolando ay nasa ilalim ng impluwensiya ng eksistenyalismo at ng mga tula ng Aleman na si Rainer Maria Rilke sa koleksyon nitong Sonnets to Orpheus. Ang salitang Aleman na Dinge (ibig sabihin “Bagay”) ay salitang mismong si Rilke ang gumamit sa kanyang paglilinaw sa kanyang pamamaraan ng pagbubuo ng tula.
Isang araw, sabi ni Rolando, may ilang tula siyang ipababasa sa akin. Sanay na akong maging first reader ng mga tulang Ingles ni Rolando. Pero nang araw na iyon, laking tuwa ko na ang ipinabasa niya sa akin ay sa Tagalog nakasulat. Hindi ko na matandaan kung alin sa mga tula sa antolohiya ng Heights ang tulang ipinabasa sa akin. Pero ang tandang-tanda ko ay hindi iyon umayon sa kinaugalian niyang pagtula sa wikang Ingles. Tila ibang makata ang umakda ng tulang ipinabasa sa akin. Hindi lamang wika ang naiiba, pati ang nilalaman ay kaiba. Ang Tagalog ay Tagalog na narinig ko na sa kanilang bahay sa Gagalangin, ang nilalaman ay mga kuwentong hinango mula sa buhay-buhay ng kanyang pamilya at mga kapitbahay.

Hindi sistema, hindi pormula, hindi rin kilusan. Ang Bagay ay isa lamang konsepto, isang panukala, kung baga, kung ano ang gusto naming mangyari sa tulang Tagalog. Una, gusto naming humulagpos ito sa “luma.” Gusto naming hubarin nito ang gasgas na pananaludtod, ang mga paksaing ibinabad sa emosyonalismo, at ang astang orador na itinatak rito ng tradisyong pabigkas. At ikalawa, gusto rin naming makatakas ito sa “bago.” Gusto naming iwasan nito ang modernistang pagtula ng mga makatang kasali sa grupo na pawang sa Ingles nasanay tumula. Iyon ang pagtulang halos walang pakialam sa mambabasa dahil masalimuot ang paglalaro sa mga salita at sa sintaks ng wikang Ingles, bukod pa sa halos mapaglihim na pagyayaman sa tema. Sa maikling sabi, ang gusto naming ay tulang Tagalog na hinubaran ng nanlilimahid na mga tradisyonal na saplot pero umaayaw naming damitan ng kasuuotang hiniram sa tulang Ingles.
Tinangka ko noon sa isang manipesto na italang tila mga batas ang mga katangian ng pagtulang Bagay. Sabi ni Rolando, ikukulong niyan tayo at ang paiilalim diyan ay mawawalan ng laya bilang indibidwal na makata. Sa halip, kumatha siya ng isang tulang pinamagatan niyang “Bagay.” Nang malimbag ang unang libro ng kanyang mga tula, ito ang naging pambungad ng koleksyon.
Sa harapan mo, nakatirik ang bagay
Sa gitna ng hanging halos gumagalaw.
Nagtitimpi. Sa pagkakahalukipkip
Lalo naming sumisidhi.

Nakatirik parang matang kamamatay.
Nakamulagat ma’y walang natatanaw.
Sinisipat ka nang buong kamangmangan.
Kay hina mong makiramdam!

Walang imik. Ano pa ang masasabi
Sa hanging bingi sa sariling paghuni?
Parang kimi. Bukas ang loob sa hubog
Ng araw na sumsaklob.

At sa iyo (wala nang biruan ito)
Tigas pa ring naghihintay.
Baka raw sakaling kung magkasubuan,
Sukat sinuhin, tuntunin,
Bigyan ng panglan kung maari rin lang.

Sa tulang ito, malinaw ang hinihinging pakikipagtalik ng makata sa pisikalidad ng mundo. Ang ibubunga ng pagtatalik ay tulang “nagtitimpi” at sa pagtitimping iyon lalong “sumisidhi.” “Walang imik.” Hindi nagtatalumpati o nagsisermon, “bukas ang loob sa hubog/ ng araw na sumasaklob.” Nariyan ang mundo, “naghihintay,” humihinging “sinuhin, tuntunin,/Bigyan ng pangalan.” Iyan, ayon kay Tinio, ang pamamaraan ng pagtulang Bagay. At iyan din ang matatawag nating estetika ng tulang Bagay.

Hinggil sa Malikhaing Pagsulat ng Tula sa Filipino

ni Richard Gappi

Sa tingin ko, upang lubos nating maunawaan kung ano ang kahulugan ng Malikhaing Pagsulat – partikular ang “Malikhaing Pagsulat sa Filipino” — kailangan nating umpisahan ang usapan sa pagtitilad sa tatlong pangunahing salita na bumubuo dito: ang “likha,” “sulat” at “Filipino”. Ano ang mga problema at hamon na nakaangkas sa bawat salitang ito?

Sa pinakapayak, nangangahulugan ang “likha” ng “gawa”. Kung kaya kapag ginawang pandiwa, ito ay nagiging “paglikha” o “paggawa”. Kakambal din ng paglikha o paggawa ang konotasyon ng “buo” o “kabuuan”. Sa gayon, ang paglikha at pagbuo ay isang proseso na dumadaan sa iba’t ibang bahagi.

Wala na sigurong pinakapalasak na ginagamit na salita sa kultura at kasaysayan natin kaysa sa salitang “Maylikha”. Singkahulugan nito, ayon sa Bibliya at Kristiyanismo, ang “Diyos” na nagbuo sa daigdig – lumikha sa halaman, hayop, buwan, araw, hangin, apoy at laluna sa tao. Mula sa hininga at salita lamang, ayon pa rin sa Bibliya at Kristiyanismo, nagka-materyal at nagkaroon ng katangiang pisikal ang ating tinutungtungang daigdig.

Ano ang halaga ng sinasabi kong ito sa pagsulat? Hindi man kayabangan, ang sinumang “manlilikha” ay lagi’t laging rebelde sa kanyang panahon. Maski ang Diyos, nagrebelde sa “kawalang kaayusan o kagandahan” na Kanyang nakita sa Kanyang paligid kung kaya binuo Niya ito. Kinailangan ng Diyos ang “tapang” at “pagtitiwala” sa sarili – dahil ipinagkatiwala Niya sa tao na Kanyang kawangis ang kapalaran ng daigdig na Kanyang nilikha.

Kung hindi naman kayo naniniwala sa Biblikal na pinag-ugatan ng daigdig, pwede nating baybayin ang kasaysayan. Ang mundo ay umikid base sa ideya ng mga pangunahing manunulat, pilosopo at iskolar na umalagwa sa iba’t ibang arena tulad ng pilosopiya, astronomiya, siyensya at iba pa. At dahil nakauna ang Simbahan sa pagtatakda ng kung ano ang “mali” at “tama” — gamit ang kapangyarihan ng pagbibigay ng biyaya o parusa – anuman o sinumang lumihis sa itinakdang linya ng “kawastuhan” ay pinarurusahan o itinatatwa.

Sa kasaysayan ng ating bansa, ang mga “likha” na nakasulat ay may “bahid” o kundi man “amoy ng Simbahan”. Nakalista at bahagi sa pagpapalaganap ang paniniwala’t pagpapahalaga ng Simbahan sa mga pasyon, awit, korido at iba pang malikhaing akda. Ibig bang sabihin nito na Simbahan ang nagpakilala ng “malikhaing pag-iisip” sa mga Filipino?

Hindi. Dahil kung batay pa rin sa kasaysayan, ang ating pre-kolonyal na lipunan ay mayroon ng bugtong, salawikain, tanaga, diona, ambahan at mga kasabihan na pawang gumagamit ng mga imahen sa paligid upang ipahayag ang isang ideya. Bunga na rin ng kolonyalismo na nagtakda sa kung ano ang “sentro” at mardyinalisado” na tinig, nangibabaw ang isang “likha” o “ideya” base na rin sa kung sino ang may hawak ng kapangyarihang pulitikal na gumagamit o nag-uutilisa sa mga ahensya o institusyon nito – tulad ng eskwelahan/edukasyon, mass media, pamahalaan, at ang mismong Simbahan. Sa simpleng salita, ang “likha” ay produkto ng sinasabing “social construction”.

Sa konteksto ng ating pag-uusap, ang “paglikha” ay nangangahulugan ng “pagsulat”. Gamit ang mga salita, imahen at diwa, bumubuo tayo ng isang “kabuuang ideya”. Gayunman, ang pagbubuo ng isang “likhang-ideya” ng isang manlilikha ay laging sinasala o kundi man ay nakikipagtagisan sa kapangyarihang panlabas. Ganito, halimbawa, ang banggaan o kontradiksyon ng mga likhang-sining sa panahon ng pre-kolonyal laban sa kolonyal na lipunan; ng kolonyalismo laban sa kilusang pagpapalaya; at ngayon, ng namamayaning sistema laban sa “napagpapatuloy na kilusang pagpapalaya.”

Ang panghuling salitang-ugat na “Filipino” ay kumakatawan kapwa sa mga tao at sa lenggwahe ng mga tao sa Pilipinas. At kung isasakonteksto natin ang Filipino ngayon, makikita natin itong nakikipagtagisan sa sinasabing “globalisadong daigdig”.

Dahil ang globalisadong daigdig ang sentro’t angklaan na pinanggagalingan ng kapangyarihan at ng kung ano ang katanggap-tanggap – kapwa sa pampulitika at pang-ekonomiyang aspeto – ang problema ngayon ng Filipino ay ito: inilalawit niya ang kanyang dila para madantian man lamang nito ang grabidad na pinanggagalingan ng kapangyarihan. Nagreresulta naman ito sa pagkalayo o pagkapigtas ng dila para maitampok ang kakanyahan at partikularidad ng wika laban sa “globalisadong daigdig”.

Mahalagang baybayin natin ang mga kontekstong ito ng salitang-ugat dahil ito ang papatnubay sa atin kung paano tayo at para kanino tayo magsusulat. Makikita natin, kung gayon, na napakalaki ng hamon ng malikhaing pagsulat sa Filipino dahil hindi hiwalay na arena sa kaisipan ang pagsusulat nang malikhain sa pagsusuri din naman sa kalagayang pulitika at ekonomiya ng lipunang kinabibilangan ng isang manlilikhang manunulat.

Hindi espontanyo na parang kabuteng tumubo ang pagsusulat na walang tiyak na “end”, dulo o kabuuan dahil bilang isang produkto rin ng kaisipan at lakas ng tao, kinakailangang maisalang ang “likhang-sulat” sa apoy ng paningin at pagsusuri ng mambabasa. Kung ang isang likhang-akda’y hindi nakakapagpabago kapwa sa isipan at kilos ng mas nakararami sa ating lipunan hinggil sa kaaba-aba nilang kalagayan, may ganap bang kabuluhan na mararamdaman ang isang manunulat?

Ang manunulat mismo kasi ay bahagi ng lipunan. Bagaman ang pagsusulat mismo ng pyesa ay maaaring sapat para kilitiin ang kanyang katangian’t katauhan bilang isang indibidwal, kailangan pa rin niyang tumingin at damahin ang kanyang paligid. Dahil, halimbawa, ang flashflood ba – na produkto ng ganid na iligal na pagtotroso – kapag bumulusok ay namimili ba ng landas at umiiwas sa bahay o kinalalagyan ng isang manunulat?

Sa ganitong punto magiging makabuluhan ang tema ng inyong workshop: “Freeing minds through social awareness.” Ibig sabihin, lalaya ang ating kaisipan – ang kaisipan ng isang makata o manlilikha – kung batid natin ang mga nangyayari sa ating paligid at lipunan. Mas lilinaw ang ating isip kung bukod sa ano at paano nangyari ang isang bagay, mas nasasapol o natutukoy natin “ang bakit” sa isang bagay o pangyayari. Hindi lamang, halimbawa, sapat na makita at malaman na may kahirapan sa ating lipunan. Bagkus, kailangang tukuyin kung bakit may kahirapan at kung sino ang may kagagawan nito o lalupang nagpapasidhi nito.

Sa bandang huli, magiging matalas na “malikhaing manunulat” tayo sa Filipino kung batid natin at hawak natin ang mithiin at adhikain mismo ng nakararaming mamamayang Filipino na namumuhay sa kasalukuyang panahon.

Walang manunulat – kung siya man ay malikhain – ang patuloy na nabubuhay sa mga bunso pang henerasyon na isisilang kung ang kanyang paa at panulat ay hindi nakaapak at nakalapat sa buhay, mithiin, pakikipaglaban at tagumpay ng mamamayan.

Ilang tala sa sining at pagsulat ng tulang may tugma at sukat

Isang sining ang pagtula. At dahil ito ay isang sining, ito ay may pamantayang estetiko at nangangailangan ng disiplina.

Narito ang mga pangunahing elemento ng tula – ng katutubong pagtula ng mga Pilipino o ‘yung tinatawag na tugmaang pagtula.

Una, ang taludtod. Sa Ingles, katumbas ito ng “line” o “verse.” Ang isang taludtod ay binubuo ng mga salita, at ang salita naman ay binubuo ng mga pantig o “syllables” sa Ingles. Halimbawa, sa linyang:

“Kung text ngayon ay tinig”

Ito ay may pitong pantig o syllables. Palatandaan na may isang pantig ang pagkakaroon ng tunog o titik na “vowel sound.”

Ikalawang elemento ng tula ay ang saknong o “stanza” sa Ingles. Ang stanza ay ang pinagsama-samang taludtod/linya. Sa panulaang Pilipino, karaniwang ang isang saknong sa tulang tugmaan ay binubuo ng apat na linya o taludtod. Halimbawa:

“Kung text ngayon ay tinig

Naka-silent na bibig

Ringtone kaya’y marinig

Mula sa aking dibdib?”

Ang stanza sa itaas ay binubuo ng apat na linya, na ang bawat linya ay binubuo ng may pitong pantig. Sa panulaang Pilipino, ito ang isa sa pinakamaikling katutubong pagtula na tinatawag na “tanaga.” Dapat tandaan na kung ilang ang pantig sa bawat linya ay ganoon din dapat sa iba pang linya upang maging consistent.

Kaugnay ng saknong ang ikatlong elemento ng tula – ang tugmaan. Ang tugmaan ay ang pagkakapareho ng huling pantig/silabol sa bawat dulo ng bawat taludtod.

Sa halimbawang tula sa itaas ay makikitang may isang tugmaan. Iisa ang tugmaan – kahit may isang pantig na “ib” na naligaw sa grupo ng mga pantig na “ig” – dahil sa panulaang Pilipino ay magkakaugnay ang mga pantigang ito.

Sa panulaang Pilipino pa rin, may dalawang magkakagrupo ng tugmaan. Ang pagkakagrupo ng tugmaang ito ay pinag-aralan at tinukoy ni Dr. Jose Rizal – isang obserbasyon at pag-aaral na tanggap pa hanggang ngayon ng akademya at mga tumutula.

Ang unang grupo ng tugmaan ay ang tugmang malalakas na binubuo ng “b,” “k,” “d,” “g,” “p,” “s,” at “t.” Kaya magkakatugma ang mga salitang “talab,” “batak,” “tulad,” “dalag,” “sapsap,” “basbas,” at “salat.”

Ang ikalawang magkakagrupo na tugma ay ang tugmang mahihina na binubuo ng mga titik na “l,” “m,” “n,” “ng,” “r,” “w,” at “y”. Kaya magkakatugma, halimbawa, ang mga salitang “dasal,” “alam,” “ulan,” “sayang,” “sayaw,” at “away.”

Ngunit hindi magkatugma, halimbawa, ang “batak” at “away” o ang “ulam” at “sapsap” dahil ang kani-kanilang huling pantig ay hindi kahanay sa grupo ng kani-kanilang tugmaan.

Sa kaso naman ng patinig o vowel sound, “mayroong limang patinig sa wikang Filipino, bagamat nakamihasnang ulinig ay tatlo lamang ang mga patinig na pantugma – ang “a”, “i” at “o”. Ang mga salitang nagtatapos sa “e” ay maaaring itugma sa salitang nagtatapos sa “i”, samantala ang mga salitang nagtatapos sa “u” ay maaaring itugma sa salitang nagtatapos sa “o”. Halimbawa, ang “base” ay maaaring katugma ng “basi” gaya rin na naman ng “babae” na pwedeng katunog ng “lalaki” samantalang ang “milyu” ay katugma ng “pilyo” gayundin ng “Sulu” at “sepilyo”.

“Ngunit isang dapat isaalang-alang sa tugmang patinig ang tuldik. Sa wikang Pilipino ay may apat na tuldik: malumay, mabilis, malumi, at maragsa. Sa karaniwang tugmang patinig, maaaring magkasama sa tugmaan ang salitang malumanay at mabilis gaya ng “piso” (malumay) at “libro” (mabilis). Sa kabilang dako, maaari namang pagtugmain ang mga salitang malumi at maragsa ang bigkas, gaya ng “pisi” (malumi) at “iksi” (maragsa).

“Alinsunod sa alituntuning ito, kahit magkatunog ang pandulong patinig ng dalawang salita ay hindi maaaring ituring na magkatugma kung ang isa ay malumay o mabilis at ang ikalawa ay malumi o mragsa ang bigkas. Halimbawa, hindi maaaring itugma ang “puso” (malumi) sa “piso” (malumay); hindi maaaring irima ang “pinto” (maragsa) sa “libro” (mabilis). Gayundin naman, dahil malumay ang bigkas sa “basi” at mabilis ang “api” ay hindi maaaring samahan ang mga ito ng “pisi” at “iksi”. **

“Sa saknungang gumagamit ng dalawahan o mahigit pang tugma, ang sintunugan sa dulong pantig ay maaaring tugmang sunuran (aabb) tugmang salitan (abab) o kaya’y tugmang inipitan (abab).” Ito ang tinatawag na kailanan ng tugma. ***

Ang ikaapat na elemento ay ang tinatawag na “imahen” o “metaphor” sa Ingles. Ito ang imahen o bagay na ginagamit upang sabihin ang isa pang gustong sabihin. Sa pamamagitan ng paggamit sa mga salita, katangian at kaugnay na konotasyon o denotasyon sa sentral na imahen, nagagawa ng makata na magpahayag ng isa pang diwa.

Sa tula sa itaas, halimbawa, tungkol sa cellphone ang sentral na imahen. Ginamit ang mga kaugnay na salita dito upang sabihin ang isa pang mensahe – ang natorpeng pag-ibig.

Ang ikalimang elemento ng tula ay ang persona. Ang persona ay ang nagsasalita sa tula. Gayunman, dapat tandaan na sa bawat tula, hindi laging ang author o may-akda ang nagsasalita o persona ng tula.

Sa tula na halimbawa sa itaas, ang persona ay isang tao na natotorpe sa pag-ibig na hindi niya maipahayag nang harapan sa kanyang sinisinta. Maaaring ang persona din sa halimbawang tula ay babae, lalaki o bakla.

Ang pang-anim at panghuling elemento ng tula ay ang “talinghaga” o “insight”. Ito ang mensahe ng tula at ito ang pinakamahalaga sa tula. Kinakailangan sa isang makata na mayroon siyang malinaw at alam niya ang gusto niyang sabihin sa sarili man lamang niya. Hindi tsamba ang pagbibigay ng mensahe ng tula o kaya’y responsibilidad ito ng babasa/audience.

Halimbawa, sa halimbawang tula sa itaas, ang cellphone ay naging imahen din pag-ibig at ito ang naging talinghaga ng maiksi ngunit siksik na tula.

*Taga-Angono, Rizal, si Richard R. Gappi ay dating manunulat at editor ng Philippine Collegian sa UP Diliman kung saan siya nagtapos ng AB Philippine Studies (major ang Political Science at History). Suki siya ng CEGP, AVHRC at iba pang institusyong pangkultura na nagbibigay ng workshop hinggil sa pagsulat at pagtula. Dati rin siyang editor in chief ng Manila East Watch, ang pahayagan ng mamamayan sa lalawigan ng Rizal. Noong 1996, naging fellow siya sa pagtula sa UP National Writers Workshop at manunulat/mananaliksik sa pagbuo ng UP Diksyonaryo ng Wikang Filipino. Noon namang 1999, napagwagian niya ang Ikatlong Gantimpala sa Talaang Ginto para sa Makata ng Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino. Sa ngayon, siya ang pangulo ng Neo-Angono Artists Collective na binubuo ng iba’t ibang artist sa pitong disiplina ng sining sa bayan ng Angono. Miyembro din siya ng National Union of Journalists of the Philippines. Noong Disyembre, inilabas ng National Commission for Culture and the Arts ang “Sala sa Saysay” na kanyang unang aklat ng tula.

** Hango sa Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula” ni Virgilio S. Almario, Anvil Publishing, 1991. Pahina 12-13.

*** Almario, ”Taludtod at Talinghaga,” pahina 25.

Introduksyon sa “Pitong Sundang: Mga Tula at Awit” ni Ericson Acosta

ni Epifanio San Juan, Jr.

Malamang na di na kailangang ipakilala pa sa madla ang awtor ng librong ito, si Ericson Acosta (Ka Eric dito), ibinilanggong manunulat, kompositor, mang-aawit, peryodista, at aktibistang intelektuwal. Ngunit walang katiyakan sa buong mundo. Sa kaharian ng Kapital lukob ang neokolonyang Pilipinas na (sa turing ni Ka Eric) isang malaking “penal colony,” lahat ng matatag (ang status quo) ay lumalambot, nalulusaw, nagsasabula. Walang permanenteng sitwasyon saanmang lugar. Nagbabago, nag-iiba ang lahat–katawan, kulungan, gawi, institusyon, ikaw, ako, tayong lahat.

Gayon ang nangyari kamakailan. Sa tulong ng mga kampanya ng SELDA, KARAPATAN at mga organisasyong internasyonal, pansumandaling nakalaya si Ka Eric, mahigit 23 buwang nakapiit, upang maikonsulta ang kalusugan. Nagkaroon siya ng malubhang sakit na bunga ng tortyur at matinding parusa na ipinataw ng rehimeng Aquino buhat hulihin siya noong Pebrero 13, 2011 nang walang warrant at ilagak sa Calbayog City jail, Samar. Sakdal sa kanya: “illegal possession of explosives,” hinalang lihim na nakipagtalik sa kinumpiskang laptop kompyuter.

Hintay, mga awtoridad ng Estadong palalo, nagsasaliksik noon ang makata tungkol sa karapatang pantao at kondisyon ng pamumuhay sa San Jorge, Samar. Krimen ba ‘yon? Gamit ang kanyang mayamang karanasan at bihasang dunong bilang mamamahayag (UP Collegian; Manila Times; ABS-CBN, atbp), pinag-aaralan ni Ka Eric ang sitwasyon ng mga mamamayan kaakibat ng paglilingkod sa kolektibong pagsisikap umunlad. Ngunit tulad noong panahon ng panananakop ng tropang Amerikano sa Balangiga circa 1901 (tingnan ang tulang “Jacob 1901”), ang pulo’y arena ng madugong tunggalian ng mga uri. Napagitna ang makata; sa gipit at gulo dumagsa ang mga “ibong mandaragit”… Walang pakundangan sa batas, katuwiran, at karapatang pantao, ikinulong ang iskolar ng bayan at inabuso siya–hanggang sumiklab ang galit at protesta ng libulibong nakiramay, mula Amnesty sa London hanggang PEN International at United Nations, mga samahang inireklamo ang masahol at walang katarungang pagpaparusa sa taong walang sala kundi pag-alay ng kakayahan at talino sa ikabubuti ng bayan.

Nagmamadali ang takbo ng globalisasyon, ngunit sadyang makupad ang andar ng makina ng hustisya sa ating bansa. Pwede tayong maghintay bago arestohin ang sarili, siyasatin ang prehuwisyo’t haka-haka, bago tasahin at lasapin ang nakapaloob. Itinatampok dito ang katotohanan ng danas ng isang tao sa piitan at sa iba’t ibang sitwasyon, bago makipagsapalaran sa Samar at laruin doon ng tadhana. Testimonyong personal at pakikipagtalastasang tipikal kapwa ang naihulma dito. Tiyak na makakadaupang-palad natin ang manlilikha, ang protagonista, pati na ang kanyang kinakausap. Di na dapat magpalaboy pa, tuwiran nang sagupain at subuking alamin ang kariktan at gambala ng panitik. Ngunit may ilang habilin na baka makapagpatalas sa pag-unawa’t pagkilatis.

. Ipalagay na lang itong interbensiyon ko bilang dagdag sa kapanabikan. Lahat tayo’y sabik makibahagi sa anumang naranasan ng kasamang humamon sa dambuhalang imperyalismo at nakaligtas. Ang pakikiksangkot kong ito ay pagpupugay mula sa isang “survivor” ng dekada 1950-1960, panahon ng muling pagbabanyuhay ng nasyonalismo sa patnubay nina Claro Recto, Lorenzo Tanada, Renato Constantino, Teodoro Agoncillo at Amado V. Hernandez (ang dalawang huli’y kolaboreytor ko sa ilang proyekto noon). Saksi ako sa unang sabog ng titis sa Unibersidad ng Pilipinas, ang tagisan hinggil sa Rizal Bill at dokumentong “Peasant War,” at unang hakbang tungo sa paglulunsad ng Kabataang Makabayan. At gayundin, sa pagbuo ng kilusan laban sa diktaduryang Marcos sa Estados Unidos at pagsuporta sa masigasig na pagtatanggol at pagtataguyod sa karapatang-pantao, kasarinlan at demokrasyang pambansa sa lupang tinubuan.

Natagpuan sa pagitan ng lingon-likod sa nakaraan at sulyap-titig sa ibinadhang kinabukasan, ulinigin muli ang paalaala ni Ka Bel (Crispin Beltran) noon mula sa karsel-hospital na kinasadlakan: “Ituloy ang laban!” Nakapupukaw na hudyat ng muling pagsasabalikat ng ating pananagutan sa bayan.

Sikapin nating isakonteks at timbangin ang magkaagapay na larang ng makata, akda at mambabasa. Mula sa mabulang alimpuyo ng mga pangyayari, ilagom natin ang sitwasyon ng makata sa isang takdang yugto ng kasaysayang pandaigdigan. Lumundo’t pumaimbulog ang krisis sa Pilipinas sa administrasyon nina Arroyo at Aquino. Pagkaraan ng 9/11 at “Global War on Terrorism” ng Estados Unidos na patuloy pa rin ang paghambalos ng mabangis na karahasan sa Iraq, Afghanistan, Yemen, Somalia, at iba pang lupalop, bumagsak ang kapital pampinansiyal noong 2008. Tumindi ang paghihikahos ng nakararami. At higit na 10 milyong OFW ang nag-abrod (kasama na ilanlibong napinsala sa gyera sa Middle East at Aprika) sa gutom at kawalan ng trabaho sa atin. Idagdag pa ang sigalot ng komprontasyon ng Tsina, U.S., Hapon, Pilipinas, Taiwan at Biyetnam ukol sa hanggahan ng teritoryo (sintomas lamang ng masibang kompetisyon ng mga kapitalista), sunod-sunod na lindol, bagyo at iba pang kalamidad likha ng walang patawad na pandarambong ng mga dayuhang korporasyon, pagpapabaya ng gobyerno, korupsiyon, atbp. Kapagkwa’y dumating tayo sa isang mapanganib na interegnum ang bansa, naipit sa puwang/agwat mula sa paghihingalo ng bulok na sistema at mahapding pagsilang ng bagong kaayusan.

Kaalinsabay nito, sumigla ang kilusang makabayan at lumaganap ang kolektibong demanda para sa katarungan, pag-uusig sa krimen ni Arroyo at pasistang militar, at tunay na kasarinlan. Dahil sa matipunong pagsulong ng progresibong kilusan, napilitan ang mga naghaharing uri, kakutsaba ng mga imperyalistang bansa, na palalain ang Oplan Bayanihan at iba pang taktikang katambal ng pagsupil sa mga demokratiko’t mapagkandiling pangkat ng binansagang “civil society.” Malinaw ang resulta sa pag-iwas ni Aquino na tanggapin ang karumal-dumal na paglabag sa karapatang-pantao gawa ng kanyang mga bayarang alagad: bukod sa 401 bilanggong pulitikal, nagkaroon ng 114 “extrajudicial killing” at 11 taong dinukot /”enforced disappearances” (isiniwalat ng KARAPATAN). Walang humpay ang paninila ng kultura ng “impunity,” ang pamamayani ng barbarismong kabuktutan ng Estado, sampu ng galamay ng aparatong ideolohikal-pedagohikal. Tinalakay ito ni Ka Eric sa kaniyang artikulo, “Some notes on people’s culture and the International Day of Solidarity with Political Prisoners” (Bulatlat 14 Dec. 2012),

Ito ang klima’t katayuan ng lipunan nang pumalaot ang makata mula sa kampus ng Unibersidad ng Pilipinas. Hinarap ang nag-iiba’t nagbabagong mukha ng lipunan sa pusod ng mga pangyayaring naging pretext/subtext sa mga tulang “Kalampag,” “Isang Kontra-Apidabit, “Half Hip-Hop Jailhouse Rap,” atbp. Sa “Dinidiretso,” ipinarangalan ang mga biktimang sina Fernando Baldemor, Pops Tenorio at Feliciano Infante. Maigting at nakapupukaw ang paglalarawan ng sakuna, kasawian at pagdurusa ng mga biktima, ngunit bumabalot sa lahat at nagkapagkakawing sa mga detalye ang diwa ng kontradiksiyon, na pangunahing tema ng ilang tula: “Awit ng Kasaysayan,” “Pasensya,” “Dahil,” “Manindigan,” “Haranang Bayan,” “Magsasama, Magkasama,” “Hanggang Huling Patak,” “Takipsilim,” atbp. Sa “Kawayanan,” ang metamorposis ng dalamhati’y tumutumbok sa “sulo” na tangan ng naglalamay. Sa “Astig,” “Rehas,” “Mula Tarima Hanggang…” at maraming tula, ang bilanggo ay di lamang simbolo ng kahirapan kundi ng katatagan sa paninindigan at pananalig sa katwiran. Laging idinidiin ang “kumulatibong proseso” ng kamalayan, ang “dayalektikal” na pagsulong ng hidwaan at alitan. Ito ang katas-diwa, ang maselang buod ng isinalaysay na aralin, na hindi maihihiwalay sa mabisang multi-determinasyon ng ekonomya at politika sa buhay ng tao.

Sa pagitan ng kahapon at bukas, umaalimbukay ang kasalukuyang pagtatagisan ng samut-saring lakas. Payo’t panawagan ito sa “Alamat”: “Mayro’ng katotohanang dapat nating harapin/ Mayroo’ng kasaysayang ating lilikhain / Ngayon din.” Gayundin ang pahiwatig sa “Pasensya”: “Pasensya na lang, silang mga halang/ Talagang ganyan, lalaban para mabuhay.” Madalas, ironikal na parunggit ang pakikiayon sa mga baligho’t balintunang pangyayari. Mapapansin din ang antig ng testimonyo sa “Isang Minutong Katahimikan”: “Narinig ko/Ang pagmamalaki ng ina sa anak/Na hanggang sa huling hininga ay lumaban.” Nakakintal din ito sa parikala ng “Ang Mga Baliw”: “Mga baliw, mga tarantadong/Suwail sa katinuan ng pag-aalipin.”

Materyalistikong paghimay at pagsanib ang mahihinuhang prinsipyo sa pagbuo ng maraming tula. Mula sa paglalarawan ng hinaharap, nadudukal ang dapat gawin. Mula sa elementong constative, mababakas ang tangkang performative at lagdang imperative. Mabulas at malusog ang paniniwala ng makata na sa bawat kalagayan, may paglalangkap ng nagtatagisang lakas, may pansamantalang pagbubuhol ng magkasalungat na pwersang siyang motor ng paggulong ng kasaysaysayan at nagbubunsod ng mas malawak na kalutasan sa anumang suliranin. Likas ito sa diwang mapanghimagsik.

Lampas ito sa paniwalang kapag naibunyag na ang mga kabalintunaan o ipokrisya sa lipunan, tapos na ang tungkulin at pananagutan natin. Tiyak na mag-aakay ito sa pag-aalinlangan at oportunismo; madalas, dekadensiya at sinisismo ang hantungan ng demistipikasyon kung walang bisyon ng kinabukasang hahalili. Ang kalayaan ay bunga ng pagtanggap at kabatiran sa nesesidad, ang pagkalkula sa papel na ginaganap ng kinakailangan at pangangailangan. Ito ang motibasyong umuugit sa ritmo, talinghaga at paghahanay ng mga salita sa tulang “Pitong Sundang,” isang halimbawa ng makatuturang paglalakip ng retorika ng damdamin at didaktikong paghugot ng hiwatig at panuto sa pagsalikop ng kilos at kamalayan, isip at gawa. Suriin ang direksiyon ng haraya sa bigkis ng mga imahen, himig-dasal, at bighani ng talinghagang isiniksik sa mga taludtod na ito :

Sibakin, baklasin natin, mga tulay sa “sang iglap
Tiyaking ang gagatungin, walang aso kung dumiklap….

Tumangan tayong mahigpit sa sundang nating matuwid
Kahit lambong pa nga’t hamog ang tangi nating kalasag…

Sablay sa baybay, totoo,
Subalit salatin at silang-sila rin
ang sawing salaysayin
sa siwang ng mga titik na ito–
sumasaludsod sa kalyo at kuko.

Mapapansin na tahasang taliwas ang gawi ng mga tula’t awit dito sa elitistang estilo ng “art-for-art’s sake,” isang manipestasyon ng komoditi-petisismo. Ang sining ni Ka Eric ay masasabing isang anyo ng praktikang hango sa proseso ng relasyong panlipunan. Hindi ito representasyong muslak o imitasyon ng kapaligiran. Hindi rin repleksiyon ng ulilang kaluluwa, kundi siya mismong produksiyon ng isang kinakailangang porma ng kamalayang sosyal sa isang tiyak na yugto ng kasaysayan (kaugnay ng paghubog ng “tipikal” na karakter at insidenteng isinusog ni Fredrick Engels sa kanyang diskurso tungkol sa estetika ng nobela). Ang birtud ng sining dito ay masisinag sa pakikisangkot ng “Ako” o pansariling atitudo sa kolektibong budhi/bait sa daluyan ng malingap na kolaborasyon at pagdaramayan. Marahil, ang “sikmura ng ina/na nagsubo ng sundang” ang emblematikong sangkalan ng matris ng rebolusyon, ang sisidlan ng nagtagong “explosives,” ang hindi nakumpiskang TNT na hitik sa malikhai’t mapagpalayang potensyal na kapangyarihan ng sambayanan.

Ang panitik ni Ka Eric, bagama’t nakasandig sa ordinaryong buhay ng mga manggagawa’t pesante, ay hindi nakukulong sa taguring “proletarian literature” na kinahumalingan ng mga pangkating “ultra-left’ sa Bolshevik rebolusyon. Tinuligsa ni Lenin ang dogmatiko’t sektaryang pananaw na bukal ng garapal na kategoryang Tendenzkunst. Natugon ng mapaglarong imahinasyon dito ang hinihingi ng Yenan Forum: popularisasyon ng diwang radikal, pag-angat sa pamantayan. Higit pa rito, ang sintesis ng popular na laman (pabalbal na salita, reperensiya sa operasyong seksuwal, satirikong tawa, makalupang aliw) at realistikong paghahabi (kasanayang halaw sa burgesyang pangitaing empirisista’t naturalistiko) ay katibayan na nag-aangkin ng sosyalistang oryentasyon ang mga akdang naiambag dito.

Walang dudang kumplikado ang paglalakbay ng diwa ng may-akda. Nag-umpisa sa petiburgesyang saray–sino ba ang organikong intelektuwal ng istrukturang neokolonyal na hindi nakaangkla o nakiangkas sa uring ito?–nahulma ang saloobin ng makata sa masalimuot na pakikibaka sa iba’t ibang larangan, laluna sa daluyong ng mobilisasyon sa “Nagkakaisang Hanay.” Ito ang lohika ng edukasyon ng manunulat sa atin. Gayunman, hindi populista ang katuturan nito sapagkat may tiyak na hangad: pagdurog sa sistema ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksiyon, pag-tanggal sa base ng alyenasyon: lakas-paggawa bilang komoditi (exchange-value). Samakatwid, hindi ito nakabuntot o sumasakay lamang, bagkus namumuno’t nagtuturo. Ang importante ay kung saan ka papunta, anong layon o mithiin ang iyong ipinaglalaban sa ngalan ng radikal na transpormasyon ng lipunan, ng pamumuhay ng bawat tao. Laluna, pangunahin ang matalinong pagbubuklod ng teorya at praktika.

Sa pangkalahatan, matagumpay na naipahayag ng makata ang pananaw ng taumbayan sa isang kongkretong unibersal o multi-determinadong totalidad. Narito ang integridad at dignidad ng paglikha. Sa matalas na diskriminasyon ni Cesar Vallejo, ang bunga ng mga pagsisikap na ito ay sosyalistang likha o akda (lagpas sa antas ng imperyalistang epoka) na nagpapaunlad at umuugnay sa mga komunidad, bansa, kasarian at lahi sa buong mundo.

Sa antas ng globalisasyong inuugitan ng kapitalismong militaristiko ng Estados Unidos at mga kaalyado, kinakailangan ang sosyalistang sensibilidad ni Ka Eric. Bakit? Sapagkat kamakailan, ang tortyur ay naging upisyal na patakaran ng mga industriyalisadong bansang kumokontrol sa ekonomya’t politika ng planeta. Ang danas ng tortyur, pagkapiit, pagkakait ng ordinaryong pangagailangan (tulad ng laptop), pag-quarantine at iba pang pagpapahirap, ay karaniwan o palasak na para sa di-mabilang na mamamayan, sa atin at ibang bansa (ibilang na rito ang Estados Unidos, UK, Alemanya, atbp.). Ang realidad ng tortyur, ang kahulugan at implikasyon nito, ang sinuri’t sinipat dito sa pamamagitan ng tayutay, tugma, sagisag at iba pang sangkap ng sining. Naipaliwanag ni John Berger (sa “The Hour of Poetry”) na ang sistematikong pagpaparusa ay natatangi, di lamang sa hapding talab ng katawan, kundi sa ispiritwal na impak nito sa komunidad ng diwa sa sanlibutan. Iyon ay nakasentro sa pagwasak nito sa “assumption on which all languages are based: the assumption of mutual understanding across what differentiates. Torture smashes language: its purpose is to tear language from the voice and words from the truth.”

Sa ganitong perspektiba, paglimiin ang pinakabuod ng ars poetica ng bilanggong politikal dito at sa testimonyo ng iba pang pinagbangisan ng Estado (tulad nina Angie Ipong, Alex Pinpin, Alan Jazmines–di na mabilang ang mga saksi). Bakit makahulugan ang mga akda ni Ka Eric sa paglinang ng ideya’t damdamin ng biktima, sa pag-untag at pagpapatingkad ng konsiyensiya, sa artikulasyon ng makatwirang pagbubunyag ng isip at damdamin? Sapagkat sinikap niyang labanan ang obskurantismo, kasamaan at inhustisya na naghihiwahiwalay, sumusugat, pumapaslang. Kuro ni Berger: “The moment of truth is now….Poetry addresses language in such a way as to close this indifference and to incite a caring” (Selected Essays, 2001, p. 450).

Ang pinag-uukulang awdyens dito ay walang iba kundi ang komunidad ng mga karaniwang tao saanmang lugar. Kaya hindi ka pwedeng magtago o tumiwalag. Huwag na nating intindihin ang mga kagalang-galang na pantas sa akademya na nagbibigay-pribilehyo sa halaga ng porma at estilo, sa iskolastikong istandard hango sa mga idinikta nina Aristotel, Kant, Arnold, I.A. Richards, Harold Bloom, Northrop Frye at mga disipulo nila. Namamayani pa rin ang neoliberalismong paradigma sa mapanggayumang dikonstraksiyon, sa mga teorya nina Foucault, Deleuze, Negri, atbp. Subalit yumao na sina Derrida at Jose Garcia Villa–hayaang iburol ng patay ang patay.

Ang sandali ng katotohanan, ang saglit ng pagtutuos, ay dumating na. Sumabog na ang “moment of truth” sa gitna ng interegnum kung saan nalulusaw ang mga idolo at bulag na ritwal ng pagsunud-sunuran. O kaya’y nagiging multo o ispiritung nakaluklok sa erotikong kindat ng mga nilalako sa iskaparate sa megamall, sa TV, sa pelikula, sa nakahuhumaling na “ukay-ukay” sa Internet. Pati na ipinagbibiling utak at kaluluwa. Ang komoditi-petisismo, konsumerismo, at pribatisasyon ng kahit anuman ay mahirap takasan. Lahat tayo ay biktima nito, humigit-kumulang. Paano tayo makaiiwas dito, makahuhulagpos, makababalikwas sa egemonya ng anarkistang kapital?

Natukoy na natin ang pinanggalangin ng awtor, ang organikong saligan ng kanyang pakikitungo sa kapwa. Di lang pakikipagkapwa sa kadugo (Mabuhay, pantayong pananaw!) kundi taos-pusong solidaridad (sa radikal na pakahulugan sa salitang ito) ng mga busabos, alipin, mga taong pinagmalupitan at pinagsamantalahan saanman. Naibaling na sa unahan ang pagmumuni sa sitwasyong pampolitika at pasistang programa ng mga makapangyarihang may-ari, ang tunay na kriminal sa hatol ng taumbayan. Ipagpaubaya na natin ang masusi’t masinop na analisis ng teksto at hugis ng mga akda rito sa ibang kasama, gayundin ang dalubhasang pagbubusisi sa bawat salik ng balangkas ng pagsasalaysay. Pagnilayin natin ngayon ang reaksyon ng mambabasa o awdyens sapagkat kung wala ito, anong halaga ng sining? Sa katunayan, ang sining ay isang produkto/prosesong sosyal, isang praktikang tahasang nakalaan upang ikalugod ng komunidad–ang kaalaman ay ligaya, sabi ng pilosopo–o, kung minarapat, ikabagabag nito. Walang saysay o kabuluhan ang likhang-sining kung hindi magagamit na maiging kasangkapan para sa ginhawa’t kasaganaan ng komunidad.

Sa panahon ng sindak at takot, sa paglusaw ng lahat ng alituntunin at ugaling ipinalagay noong kasingtigas ng marmol na haligi ng mga simbahan at lehislatura, ano ang halaga ng tula?

Sinumang nagmamasid sa kalakarang kultural o sumusubaybay sa mga Websites ng Inquirer, GMANews, Interaksyon o Facebook ng mga kababayan, mapupuna na ang pangunahing interes ay mga kaabalahan sa Estados Unidos, Europa at iba pang bansa. Sino ang mga personalidad sa mga kompetisyon sa New York, Paris, London, Berlin, Hong Kong, Tokyo, at iba pang kosmopolitang sentro? Kamusta na sina Angelina Jolie, Eve Ensler, Princess Kate, Beyonce, Obama, Bill Gates, Lance Armstrong? Anong moda rito, moda roon? Kung hindi si Pacquiao o si Miss Universe, mga kabulastugan ng mga trapo at terorismo ng mga pulis at militar. Paminsan-minsan lumulusot ang foto ng mga desaparecidos–Jonas Burgos, Shirley Cadapan, Karen Empeno–o paglilitis sa mga salarin ni Roland Olalia, o kaya ang kaso ng Ampatuan masaker. Bihirang nabanggit ang kaso ni Ericson Acosta sa mga Websites (namumukod ang natatanging Bulatlat at Pinoy Weekly)–ano kaya ang moda ng mga nakahimpil ngayon sa preso sa Taguig, sa Camp Crame, o sa Muntinlupa?

Lubog sa tindahan ng “world-class” megamall, mausisa natin: may interes pa ba sa mapanuring panitikan, sa anumang matinong katha bukod sa cookbook o katalogo ng kotse, fashion at mga dakilang bayani ng cinema at sports? May interes pa ba sa sining na walang cash-value at taliwas din sa mga gantimpala, awards, titulo, at celebrity cult ng iba’t ibang mariwasang sirkulo o grupo? Idamay na rito ang sangkatutak na komersyalisadong folk-art bilang turistang pang-aliw o propaganda ng administrasyon at mga kasabwat na korporasyong dayuhan. Pati mga OFWs ay panoorin din o exhibit sa TV, pelikula at iba pang midya, laluna kung sila’y inabuso, ginahasa, pinatay. Saan tayo tatakbo at susuot upang mailigtas ang kaluluwa sa salakay ng negosyante’t politikong mangingikil na may alok na imported pabango’t inuming nakabubuwang?

Sa pabirong panukala, maaaring ipagmalaki na, totoo, walang silbi ang tula para sa ordeng umiiral. Pagkikitaan ba iyon? Bakit pag-aaksayahan ng panahon? (Magugunita ang tugon ni Balagtas sa “pula’t pag-ayop”: “Tubo ko’y dakila sa sariling pagod.” ) Di mapagkakaila, tayo’y nabubuhay sa gitna ng karahasan at kabulukan, halos matabunan ng naglipanang dokumento ng sibilisasyon at barbarismo na pawang instrumento na rin ng negosyo at burokrasya. Pwedeng tanggapin sa Europa at Norte Amerika na pagkatapos ng Auschwitz at mga “incinerator” ng pasismo (ibilang na rin ngayon ang bantog na bartolina sa Gunatanamo), ayon kay Theodor Adorno, hindi na makasusulat muli ng lirikong awit gaya nang dati. At dagdag pa ni Roland Barthes, patay na ang awtor.

Diyata? Ngunit sandali lamang, may pagkakaiba: sa mga nasasakop at inaaliping bansa–mga kolonya (halimbawa: Puerto Rico) o neokolonya tulad ng Pilipiinas–nagbabanta pa ang oras ng katotohanan. Malayo pa ang wakas ng naratibo, ang denouement ng dula. Hinagap natin na hindi pa ganap na napawi ang bukal ng matalisik at pagkamaparaang diwa ng mga katutubo’t uring pesante, trabahador, kababaihan, artisano–ang nakararami. Ang maalamat na taga-igib at mangangahoy, bumubungkal ng lupa at yumayari ng mga kagamitan–nariyan pa rin sila’t nag-iisip, nag-iistratehiya. Sila ang ultimong awtor ng mga akda rito. Bakit umaasa pa? Sapagkat may lakas-paggawa pang pinipigil, dinuduhagi, umaalsa, bumabaligtad, lumalaban. Oo, nakaimbak pa’t nahihimlay ang nagbabagang binhi ng kinabukasan, ang dangal at puri ng sambayanang unti-unting bumabangon.

Mayaman at malusog ang ating tradisyon ng pakikibaka at pagsisikap na mapalaya’t mapaunlad ang ating bayan. Mula pa noong mga rebelyon nina Dagohoy at Gabriela Silang hanggang sa 1896 rebolusyon ng mga Propagandista, Katipunan, at mga gerilya nina Sakay at Ricarte, sampu ng mga Morong nagtanggol sa kanilang tahanan sa Mindanao at Sulu mula noong Digmaang Filipino-Amerikano (1899-1913), walang tigil ang pagpupunyagi ng taumbayan upang mapatalsik ang mananakop. Nagkaisa tayo laban sa rasistang pag-alipusta ng Espanya, ng Estados Unidos, ng Hapon at ngayon, ng korporasyong transnayosnal, World Bank-IMF, kaagapay ng mga taksil sa bayan, ang mga asendero, burokrata-kapitalitasta at malalaking kumprador, at mga bayarang intelektuwal. Ang tradisyong mapanghimagsik ay hindi katumbas ng “holocaust” sa Europa kundi ng rebolusyong anti-pyudal sa Pransiya, mas kahawig ng anti-imperyalistang pakikibaka sa Tsina, Cuba, Algeria, atbp. Naging pagkakataon iyon sa pagsibol at pamumulaklak ng iba’t ibang uri ng likhang-sining at panitikan kaakibat ng paglago’t paghinog ng kamalayang siyentipiko, mapanuri’t mapagpalaya.

May tradisyon din tayo na isingkaw ang karanasan sa bilangguan sa gawaing pagmumulat at pag-oorganisa sa kamalayang inalipin. Kabilang na rito ang pakikipagsapalaran nina Balagtas, Rizal, Isabelo de los Reyes, mga mandudulang “seditious,” hanggang kina Benigno Ramos, Amado V. Hernandez, Jose Maria Sison, Maria Lorena Barros, atbp. (Kamakailan, nabanggit nga ni Ka Eric, isang babaeng detenido, si Charity Dino, ay natutong magsulat sa loob ng kulungan.) Sa nangyaring pagkapiit kay Ka Eric, naging partisano na siya sa kapatirang ito. Katibayan siya sa katotohanan ng tortyur at paglapastangan. Saksi din siya sa pagtangkilik ng kapakanan ng mayoryang gumagawa’t nagsisilbi. Sa bisa ng pagmamalasakit, kinatawanan niya (sa literal na himaton nito) ang pagsasalita sa panig ng karaniwang tao: isinatinig niya rito ang pangarap, kaisipan at damdamin ng bayang naghihimagsik. Samakatwid, ang kasaling awtor dito ay kayo rin, madlang sumsubaybay, at ito’y maigting na alegorya ng inyong buhay. Paano naisakatuparan ang adhika’t lunggati ng masang anak-pawis?

Sa dalumat ni Boris Pasternak, ang bigkas ng damdamin ay tahasang alegorikal: “The ineluctable language of all art is the movement of the allegorizing itself, and this language symbolically speaks of force” (sinipi ni F.D. Reeve, “On Some Scientific Concepts in Russian Poetry,” 1966). Idako muli ang isip sa tulang “Halaw ng Buyonero,” o “Isang Minutong Katahimikan” o “Ang Mga Baliw” o “National Geographic Revolution.” Paglimiin kung paano naisaayos at nabuo ang mga kathang ito, anong sagabal at kamyerdahang ginalugad at sinala upang mailuwal ito. Maingat o mapusok man ang indayog ng sensibilidad, masugid o matipid man ang paglinang ng paksain, walang kinalaman ito sa matimping pagsudlong ng tula sa mabagsik na praktika ng araw-araw na paghinga sa selda. Mapapakiramdaman ang saloobin sa “Pagpupugay” na matagumpay na naisakatuparan ang mapagpasiyang eksperimento: ang “kontradiksyong/ang iyong isinabuhay.”

Masaklaw at malalim ang ramipikasyon ng buong proyektong inilunsad ni Ka Eric sa librong ito. Tulad ng “Panata sa Kalayaan” ni Amado V. Hernandez o ng “Bayan Ko” ni Jose Corazon de Jesus (koleksiyong pinamatnugutan ni Monico Atienza), ang militanteng daloy ng mga akda ay hindi limitado ng ideolohiya ng proletaryo o uring petiburgis, hangga’t ito’y nagsisikap bumaklas sa kwadro ng minanang kumbensyon at isinuob na ugali’t istandard. Bagamat nakatuon sa partikular na karanasan, ang paghabi ng tula ay may di-pangkaraniwang udyok ng lakas na dumadaloy rito, may natatanging sigla at enerhiyang nagbubuhat sa imahen, himig, tugma, talinghaga. Ang mirakulong lakas na iyon ay lumulundag palayo–tungo sa isang mithi, simbuyo ng tuwa, intuwisyon ng alindog sa mukha o panooring kaiba, kakatwa, o nakamamangha. Ang lakas ng imahinasyon ay nakaluklok sa dibdib ng posibilidad, sa pugad ng pagkamaaari. Ito ay katangiang taglay ng di pa nasusubukang kakayahan ng sangkatauhan, nakabungad sa pangil ng lagim ng tortyur at kilabot ng digmaan.

Maimumungkahi rito ang aksyomang napagnilay na ng sinaunang paham: ang likhang-sining ay isang modelo o huwaran ng kalayaan at kasarinlan, na tahasang inaasam-asam at ninanais ng bawat nilikha, kahit na siya ay sinalanta’t ipinagkaitan ng kasukdulang krisis ng kapitalismong global. Sa gilid ng naisakatuparang mithi ng mga kabihasnang umiiral ngayon, masisilip ang anino ng mga bagay na hindi pa matamo, maabot o makamit ng tao sa kasalukuyang panahon. Panaginip, pantasya sa guniguni, pangarap, alegorikong balak o tangka pa lamang ang mga iyon. Narito, sa vortex ng galaw/kilos ng kasaysayan, ang ugat ng mapagpalang dunong ng bawat nilalang, na siyang ugat rin ng sining ni Ericson Acosta. Magkatulong-tulong tayo upang walang takot na mapahalagahan ang mabiyayang okasyong ito. Ipagdiwang at makinabang sa magandang handog na ito ng makatang patuloy na nakikibaka sa detensiyon kapiling ang maraming kababayang nagigipit din, nakapalibot ang maraming kaibigan at kamag-anak at, di magtatagal, walang pasubaling magkakamit ng lubos na kalayaang pinipithaya’t idinadasal din ng sambayanang naghihimagsik.